Hindi pinatulan at minaliit lamang ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang hamon sa kanya ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Sinabi ni Remulla na hindi siya kundi si Teves ang dapat may patunayan dahil ang huli ang nasasangkot sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
Unang hinamon ni Teves si Remulla na bumaba sa posisyon kundi din nito kayang patunayan ang mga alegasyon na nag-apply ito ng citizenship sa gobyerno ng Timor-Leste.
“I don’t have to prove anything here.Siya ‘yung kailangan niya i-prove kung kaya niya humarap sa charges,” ani Remulla patukoy sa suspendidong mambabatas.
Kasabay nito, tinawag na “basura” ang mga alegasyon sa kanya ni Teves at muli nitong inulit ang kanyang hamon sa mambabatas na umuwi na ng Pilipinas at sagutin ang mga reklamo sa kanya na 10 counts of murder, 14 counts of frustrated murder, at four counts of attempted murder na isinampa ng National Bureau of Investigation.
“May subpoena siya. Dapat malaman ng taong bayan na pinapatawag po siya ng mga alagad ng batas upang magpaliwanag sa mga krimen na ibinibintang sa kanya sa pagkamatay ng maraming tao. Ito po ang sagutin niya. Umuwi siya. Face the music. Madami siyang sinabi,” dagdag pa ni Remulla.