Defense Secretary Gilbert Teodoro ayaw ng peace talks sa NDFP
Wala nang balak si Defense Secretary Gilbert Teodoro na makipag-usap pa sa rebeldeng grupo na National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Teodoro na para sa kanya, wala nang puwang ang peace talks.
Gayunman, sinabi ni Teodoro na kukunsultahin niya muna si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa naturang usapin.
“I have to consult regarding that because the only consultation I had with the President, first and foremost, is to speed up the MUP (military and uniformed personnel) of which I will receive total briefings in the coming days as to what progress has already been done,” pahayag ni Teodoro.
“Bukas-loob naman ang gobyerno na magbalik sa fold ng law ang lahat ng mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army). Nandiyan na ang OPAPRU (Office of the Presidential Adviser on the Peace, Reconciliation, and Unity) na handa na tulungan sila at i-rehabilitate,” pahayag ni Teodoro.
Sabi ni Teodoro, malaki rin ang naiambag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagbuwag sa rebeldeng grupo.
“At sa tingin ko, ang peace talks ay, sa akin, sa version ng ating proseso, demokratiko. Pwede naman nating pag-usapan iyong mga isyu na iyan sa tamang forum – iyan ay ang Kongreso – at sumanib sila sa legitimate political process. Hindi naman bawal ang CPP eh. Republic Act 1700 was repealed long ago. Pero iyong indirect at direct support sa armadong pakikibaka, iyan ang problema,” pahayag ni Teodoro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.