Tiwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bababa pa sa apat na porsiyento ang inflation sa bansa pagsapit ng Oktubre.
Kasunod na rin ito nang pagbaba ng consumer price index (CPI) noong nakaraang buwan. na pang-apat na sunod na buwan na nangyari.
Inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal pa sa 6.1 porsiyento ang inflation noong nakaraang buwan, kumpara sa 6.6 porsiyento noong Abril.
Pasok pa rin ito sa 5.8 percent – 6.6 percent forecast ng BSP.
“Inflation remains consistent with the overall assessment that (CPI) will remain elevated over the near term before gradually decelerating back to target range in Q4 (fourth quarter) 2023 in the absence of further supply-shocks,” ayon sa BSP.
Gayunpaman sa unang limang buwan, ang average inflation ay 7.5 porsiyento na lubha pang mataas sa target ng BSP na dalawa hanggang apat na porsiyento.
Nakasalalay ang galaw ng inflation sa presyo at suplay ng mga pangunahing pagkain, epekto ng El Niño sa presyo ng pagkain at halaga ng kuryente at tubig, gayundin sa maaring paggalaw sa suweldo ng mga manggagawa at pasahe.