Solusyon sa traffic sa EDSA at C5, dagdag na dalawang tulay na itatayo sa loob ng 3 buwan
Kayang-kaya umanong makapagtayo ng dalawang karagdagang tulay pa sa Metro Manila na maaring magamit na alternatibong ruta ng mga motoristang dumaraan sa EDSA at C5.
Ayon kay Eddie Yap, Committee Chairman ng Management Association of the Philippines (MAP), kung tutuusin kaya aniyang makapagtayo ng dalawang tulay sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sinabi ni Yap na kabilang sa pwedeng pagtayuan ng dalawang bagong tulay ang likod ng Circuit Mall sa Makati na maaring madaanan ng mga galing sa Makati Business District patawid ng Mandaluyong, patungong San Juan o Quezon City.
Gayundin ang isa pang tulay na magdudugtong naman sa Global City sa Taguig at Kapitolyo sa Pasig.
Kung maitatayo aniya ang nasabing mga tulay, mababawasan ang mga sasakyan na nagsisiksikan sa EDSA at C5.
Ayon kay Yap, magagawa ang nasabing mga tulay kung mapagkakalooban ng emergency power si President-elect Rodrigo Duterte.
Wala naman kasi aniya sa budget ang pagdaragdag ng dalawang tulay kaya kinakailangan ng emergency power para ito ay mapaglaanan ng budget.
Isa pa sa problema sa C5 at EDSA ayon kay Yap ay ang mga intersection na kung tutuusin ay pwede namang lagyan ng mga fabricated steel bridges para tuloy-tuloy ang biyahe sa dalawang main highway.
Ayon kay Yap, pinag-aaralan na ni incoming DOTC Sec. Art Tugade ang kaniyang mga panukala bilang solusyon sa napakatindi nang problema sa traffic sa Metro Manila na maliban sa epekto sa mga manggagawa ay nakaka-apekto din ng husto sa mga employer at ekonomiya ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.