2 motorcycle rider patay sa magkahiwalay na aksidente sa Pasig
Dalawang magkahiwalay na aksidente ang naganap sa Pasig City, Martes ng umaga na ikinasawi ng dalawang motorcycle rider.
Unang naganap ang aksidente sa bahagi ng Ortigas Avenue sa Pasig City kaninang alas 4:30 ng madaling araw.
Agad na nasawi ang hindi pa nakikilalang biktima matapos magulungan ang ulo nito ng isang truck.
Ayon sa driver ng truck na si Jomar Cordo, bagaman nakita niya ang motorsiklo ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makaiwas pa dito dahil sa bilis ng pangyayari.
Kuwento pa ni Cordo, marahil ay iniwasan ng biktima ang jeepney na kanyang sinusundan dahilan para siya ay sumemplang at magpagulong-gulong at sakto namang dumadaan ang truck.
Samantala, sa southboundlane ng C5 sa Barangay Ugong Pasig City, isang motorcycle rider din ang nasawi matapos bumangga sa isang elf truck.
Sinasabing isang security guard ang hindi pa nakikilalang biktima.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang nasabing aksidente.
Maliban sa dalawang nabanggit na insidente, may mga naitala pang aksidente ang MMDA na kinasangkutan ng motorsiklo.
Alas 7:51 ng umaga nang iulat ng MMDA ang aksidente sangkot ang isang bus at motorsiklo sa bahagi ng EDSA Annapolis southbound lane.
Sinundan ito ng aksidente sa bahagi ng Marcos Highway westbound lane sangkot ang isang AUV at isa ring motorsiklo ganap na alas 8:03 ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.