Pabahay para sa mga residente ng Taal Island ibinigay ni Tolentino
Nagkaroon na ng katuparan ang pangarap ng mga lumikas na residente ng isla ng Taal na magkaroon ng sariling bahay. Pinangunahan ni Sen. Francis Tolentino ang inagurasyon ng proyektong pabahay sa Talisay, Batangas para sa 425 benipesaryong pamilya. Paunang 150 bahay ang naibigay na at karagdagang 150 ang maibibigay sa susunod na buwan at ang natitirang 125 ay matatapos sa Nobyembre. Inisyatiba ni Tolentino ang proyekto nang pamunuan niya ang Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement noong 18th Congress. Naisakatuparan ito sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority (NHA) at lokal na pamahalaan ng Talisay. Sa pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020, 53,697 indibiduwal ang naapektuhan sa buong lalawigan ng Batangas. Matapos ang pagsabog, inihain ni Tolentino ang Senate Resolution No. 297 at hinikayat ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) maging ang mga kinauukulang ahensiya na bumuo ng “Taal Volcano Resettlement and Rehabilitation Program.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.