2 hinihinalang drug pusher, patay sa shootout sa QC
Nauwi sa shootout ang nakataktda sanang buy-bust operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Barangay Piñahan sa Quezon City.
Isasagawa sana ang buy-bust sa bahagi ng NIA road kanto ng EDSA, pero naalarma ang mga suspek nang may makitang unipormadong pulis sa bahagi ng Shell gasoline station, kaya sila ay nagpaputok.
Ayon kay Sr. Supt. Ronald Lee, hepe ng CIDG-NCR, ang dalawang nasawing suspek na sina Amintao Khalid at Ala Asnawe ay nakilala base sa mga ID na narecover sa kanila.
Sinabi ni Lee na dalawang linggong isinailalim sa surveillance ang mga suspek at kanina, ikakasa sana ang isang buy-bust operation, kung saan, isang poseur-buyer ang nagpanggap na bibili ng isang kilo ng shabu sa mga suspek.
Pero nang makita ng mga suspek ang isang pulis sa kalapit na gasolinahan ay nagpaputok na ang mga ito.
Narecover sa bagong Toyota Altis na sasakyan ng mga suspek ang aabot sa tatlong kilo ng shabu at dalawang caliber 45 na baril.
Naisugod pa sa ospital ang dalawa, pero idineklara ring dead on arrival.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.