Hihilingin ng susunod na Duterte administration Kongreso na mabigyan ito ng ‘emergency powers’ upang maresolba ang matinding problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila at mga kalapit probinsya.
Ito ang inihayag ni incoming transportation secretary Arthur Tugade sa sidelines ng consultative workshop sa Davao City.
Kasabay nito, sinabi ni Tugade na balak ng susunod na pamunuan ng bansa na ideklara ang isang ‘traffic crisis’ sa Mega Manila.
Paliwanag pa nito, kasalukuyan nang binubuo ni incoming justice secretary Vitaliano Aguirre III, Solicitor General Jose Calida at ng kanilang legal team ang isang ‘draft bill’ ng paghiling ng ‘emergency powers’ na tatagal ng dalawang taon.
Kanilang isusumite aniya ang panukala sa pagbubukas ng 17th Congress sa susunod na buwan.
Isa sa mga posibleng maging bahagi ng panukala ay ang pagbibigay ng pahintulot sa susunod na pamahalaan na buksan ang ilang mga pribadong subdivision sa daloy ng trapiko.
Ito aniya ay maaring gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang kompensasyon sa mga private subdivision sa paggamit ng kanilang mga pribadong kalye.
Gayunman, ang Kongreso aniya ang siyang magdedesisyon kung alin-alin sa kanilang mga ihahahaing probisyon at solusyon ang papayagan o hindi.
Ang naturang panukala aniya ay kanilang inilapit na kay incoming president Rodrigo Duterte na suportado aniya ang naturang hakbang.
Bukod dito, naghahanap na rin aniya ang mga economic managers ng Duterte administration ng solusyon upang mabawasan ang mahahabang pila sa mga paliparan at maging sa mga mass transport systemens tulad ng MRT at LRT.
Batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), higit sa 2.4 na bilyong piso ang nasasayang at nawawala araw-araw sa Pilipinas dahil lamang sa matinding problema sa traffic.