Ilang senador nagkaisa sa posisyon na mas mabigat na parusa sa perjury
Tatlo pang senador ang naniniwala na dapat nang bigatan ang mga parusa sa perjury kasunod nang sunod-sunod na pagbawi sa testimoniya ng mga itinuturing na suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Iiisa ang posisyon nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Sens. Alan Peter Cayetano at Francis Tolentino at anila panahon para palakasin ang batas laban sa pagbibigay ng maling testimoniya.
Unang nanawagan si Cayetano na palakasin ang batas ukol sa perjury matapos bawiin ni Jhudiel Osmundo Rivero, isa sa mga dating sundalo na sangkot sa pagpatay kay Degamo, ang testimoniya sa pagdinig ng Committee on Public Order ukol sa pagpatay sa mga opisyal ng gobyerno.
Hiniling din ng senador kay Sen. Bato dela Rosa na buksan muli ang pagdinig, na isinara na noong Mayo 11.
Puna naman ni Zubiri na nagiging karaniwan na lamang sa mga pagdinig na may mga testigo na kumakambiyo sa kanilang pahayag.
Pinasalamatan naman ni Tolentino si Cayetano sa pagtalakay sa isyu at aniya dapat nang baguhin ang mga regulasyon sa pagtrato sa mga sinungaling na testigo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.