Ipinasusumite ng Senate Committee on Energy ang kopya ng kasunduan sa pagitan ng mga shareholder ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Sa pagdinig ng komite, hiningi ni Sen. Raffy Tulfo ang shareholders agreement para makita kung paanong nagdedesisyon ang NGCP. Ibinahagi ng senador na base sa nakuha niyang impormasyon, ang State Grid Corporation of China, na may 40 percent share sa NGCP ang may veto power sa mga desisyon ng korporasyon. Nakasaad rin aniya sa kasunduan na kailangang unanimous ang boto ng mga shareholder. Kaya naman kahit pa magsanib pwersa ang dalawang lokal na kompaniya na may tig-30 percent share sa NGCP ay mababalewala lang ito kung hindi sasangayon ang SGCP. Nang hingin ng Senate panel ang kopya ng shareholders agreement,nagdahilan ang NGCP na bahagi ito ng kanilang ongoing arbitration case laban sa National Transmission Commission (TransCo) kaya hindi nila ito maisumite. Hindi naman ito tinanggap ng mga senador kaya nag mosyon na si Sen. Sherwin Gatchalian na i-subpoena ang naturang dokumento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.