Ipinagdiinan ni Senator Chiz Escudero na dapat manggaling mula sa fire insurance claims ang pondo para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng nasunog na Manila Central Post Office. Ayon kay Escudero, bago pa man maglaan ng pondo ang pambansang gobyerno para sa rehabilitasyon ay dapat munang makolekta ang fire insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS). Una nang kinumpirma ng GSIS na insured ng P604 million ang Manila Central Post Office. Pagpupunto ni Escudero, sa ilalim ng Property Insurance Law (RA 656), inoobliga ang lahat ng ahensya ng gobyerno, maliban ang ilang lokal na pamahalaan, na i-insure ang kanilang mga properties, assets, at mga interes mula sa anumang banta sa pamamagitan ng General Insurance Fund (GIF) na pinangangasiwaan ng GSIS. Giit pa ng senador na dapat asikasuhin na ang insurance claims para mapondohan sa lalong madaling panahon ang pagsasaayos sa post office building. Kasabay nito ay nanawagan si Escudero sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno na sumunod sa memorandum ng Commission on Audit (COA) at tiyakin na insured ang kanilang assets at properties.