Inalayan ng mga senador ng panalangin si dating Senator Rodolfo ‘Pong’ Biazon dahil kasalukuyan itong nasa intensive care unit (ICU) ng isang ospital.
Si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nag-anunsiyo ng kondisyon ni Biazon, na aniya ay may pneumonia.
“If I may, may we also dedicate our prayer today to a distinguished colleague of ours, Senator Biazon, who is in the ICU trying to recover from a bad case of pneumonia,” sabi ni Zubiri sa kanyang mga kapwa senador bago ang simula ng sesyon kaninang alas-3 ng hapon.
Si Sen. Alan Peter Cayetano ang nanguna sa pagdarasal para sa paggaling ng 88-anyos na dati din namuno sa AFP noong administrasyong-Cory Aquino.
Naging senador noong 9th Congress si Biazon simula 1992 hanggang 1995 at muling nahalal noong 1998.
Kasunod nito, nagsilbi siyang kinatawan sa Kamara ng Muntinlupa City noong 2010 hanggang 2016.