DPWH, DSWD hiniling ni Revilla na paghandaan ang super bagyo
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Pinaghahanda ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno partikular na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Betty.
Pinagbilinan din ni Revilla ang publiko na paghanda ang bagyo na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.
Sabi ni Revilla kailangan na maging proactive sa halip na maging responsive dahil hindi umano kakayaning may mawala kahit na isang buhay dahil sa kawalan lamang ng paghahanda sa bagyong ito.
Binigyang- diin pa nito na dapat ay tiyakin ang integridad ng mga pampublikong imprastraktura at siguruhin na bawat tulay, daan, gusali, at iba pa ay nasa maayos na lagay at walang mapahamak kahit isa.
Ipinaalala pa ng senador na ilang ulit na pinagdaanan ang ganitong sitwasyon, kasama iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno, NDRRMC at Office of Civil Defense, lalung-lalo na ang mga local government units (LGUs) na silang dapat ay unang reresponde sa publiko kaya dapat na magtulungan at maging mapagmatyag.