Economic Team hiniling na panoorin ang pagtalakay sa MIF Bill
Gusto ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na masaksihan ng economic team ng gobyerno ang interpelasyon ng mga senador sa isinusulong na Maharlika Investment Fund bill. Nakiusap si Zubiri kay Sen. Mark Villar, ang sponsor ng Senate Bill 2020, na padaluhin sa sesyon ng Senado simula ngayong araw ang economic team partikular si Finance Sec. Benjamin Diokno. Ito anya ay upang ipakita sa publiko na prayoridad ng gobyerno ang panukala. Kasabay nito, kinumpirma ni Zubiri na target nilang aprubahan ang panukala bago ang adjournment ng Kongreso sa susunod na linggo. Sa interpelasyon kagabi ni Sen. Grace Poe kay Villar, isa sa naging paksa ang posibilidad ng accountability ng mga miyembro ng board of directors ng bubuuing Maharlika Investment Corp., sa sandaling magkaroon ng iregularidad. Sinabi ni Villar na alinsunod sa panukala, bukod sa kasong kahaharapin ay maaaring ma-forfeit ang mga benepisyong dapat matanggap ng board of director na masasangkot aa kuwestiyonableng aktibidad. Kasabay nito, nanawagan si Poe sa mga kasamahan sa Kongreso na kung ipapasa ang panukala ay tiyaking protektado ang pondong mailalagay dito at may sapat na safeguards upang maiwasan ang anumang katiwalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.