P3,000 ayuda sa food stamp program aarangkada na sa Hulyo
May panibagong ayuda na ipamimigay ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.”
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, ipatutupad ang pilot testing ng programa sa Hulyo ngayong taon kung saan 3,000 pamilya ang bibigyan. Nasa P11 bilyon ang paunang budget na inutang ng pamahalaan sa Asian Development Bank.
Unang ipatutupad ang programa sa limang lugar. Ito ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Region 4B o Mimaropa, Northern Luzon, National Capital Region at Caraga.
“But we have to point out that we will not also do it simultaneously one million. That’s trouble waiting to happen. We have to do it in a progressive manner. We have to do the pilot at 3,000 families; 300,000 hopefully next year sa first run; another 300,000 right after and then hopefully reach the magic number of one million in the succeeding year,” pahayag ni Gatchalian.
Target nito na mabigyan ng tig P3,000 ayuda ang may isang milyong mahihirap na pamilya sa full implementation sa susunod na taon.
Sabi ni Gatchalian, nais kasi ni Pangulong Marcos na wala ng magugutom na Filipino pagsapit ng taong 2027.
Pag-amin ni Gatchalian, hahanapan pa ng dagdag pondo ng pamahalaan ang food stamp program na ngangailangan ng P40 bilyong pondo para sa kabuuang programa.
Paglilinaw ni Gatchalian, hindi cash ang ibibigay ng pamahalaan kundi electronic benefit transfer cards.
Ibig sabihin, may laman ang card na tatlong libo piso at ibibili sa mga piling partner na tindahan.
Ayon kay Gatchalian, maaring makinabang sa bagong programa ang mga benepisyaro na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sabi ni Gatchalian, hindi naman kinakailangan na akuin lahat ng pamahalaan ang paghahanap ng pondo sa program dahil maari namang magpatulong sa ibang organisasyon gaya na lamang ng World Bank, United Nations at iba pa.
Umaasa si Gatchalian na magtatagumpay ang food stamp program lalot ipinatutupad na rin ito sa mga bansang Venezuela, Indonesia, Vietnam at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.