Mabagal na pagkilos ng NGCP sa transmission lines ipinasisilip ni Gatchalian
By Jan Escosio May 23, 2023 - 01:05 PM
Ipinasisiyasat ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagkaantala sa pagsasaayos ng mga electric transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 616 na layong matiyak na may maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.
Dismayado ang senador sa NGCP dahil sa mabagal na implementasyon ng 16 transmission projects na ikinukunsiderang Energy Projects of National Significance (EPNS).
Ayon pa sa namumuno sa Senate Commitee on Energy, sa nasabing 16 proyekti, anim lang ang natapos o katumbas ng 37.5 percent lang na completion rate hanggang nitong Marso pero ang masama aniya rito ay naniningil ang NGCP ng bayad sa mga consumers para sa mga delayed projects.
Aniya pa, ang mga proyekto para sa kuryente ay naantala na ng hanggang tatlong taon habang ang mga hindi pa nakukumpleto ay inabot na ng limang taon.
Tinukoy din ni Gatchalian ang 168 proyekto sa ilalim ng Transmission Development Plan (TDP) kung saan 56 ay nasa pre-construction stage, 30 ang hindi pa tapos at 138 na proyekto naman ang naantala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.