Guilty!
Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan sa mga kasong kinaharap ng negosyanteng si Janet Lim Napoles na may kinalaman sa paggamit ng P15.36 million priority development assistance fund (PDAF) o “pork barrel” ng yumaong Davao del Sur Rep. Douglas Cagas.
Anim hanggang 10 taon na pagkakakulong ang hatol sa bawat kasong graft at 12 hanggang 17 taon na pagkakakulong naman sa bawat kasong malversation na kinaharap ni Napoles at apat iba.
Kasama sa mga nasentensiyahan sa kasong graft at malversation sina dating Technology Resource Center (TRC) legislative liaison officer Belina Concepcion, dating TRC group manager Maria Rosalinda Lacsamana, Mylene Encarnacion at Evelyn de Leon.
Ang lima ay inatasan na magbayad ng kabuuang P15.36 million para sa kinaharap nilang kasong graft at malversation.
Kabilang sa sentensiya sa kanila ang panghabambuhay na diskuwalipikasyon na humawa ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ibinasura na lamang ang mga kasong kinaharap ni Cagas dahil sa kanyang pagpanaw.
Napawalang sala dahil sa kabiguan ng prosekusyon na mapatunayan ang kanilang pagkakasala sina dating Department of Budget and Management (DBM) undersecretary for operations Mario Relampagos, budget and management specialist Rosario Nunez, administrative assistant VI Lalaine Paule, administrative assistant VI Marilou Bare, dating TRC deputy director general Dennis Cunanan, group manager of the Corporate Support Services Group Francisco Figura, chief accountant Marivic Jover, at internal auditor V Maurine Dimaranan.
Ang mga kaso ni dating TRC director general Antonio Ortiz ay lilitisin kapag siya ay naaresto na.
Noon pang Mayo 10 nailabas ang desisyon ng korte at ito ay isinulat ni Associate Justice Edgardo M. Caldona at sinang ayunan naman nina 2nd Division Chairperson Oscar Herrera Jr. at Associate Justice Arthur Malabaguio.
Nag-ugat ang mga kaso sa pagbibigay ni Cagas ng dalawang kontrata sa NGOs na kontrolado ni Napoles ng walang isinagawang public budding.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.