Ipinagkibit-balikat na lamang ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd district Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbaba ng kanyang posisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon.
“It’s the prerogative of the House,” ang matipid na pahayag ni Arroyo sa pagiging deputy speaker mula sa pagiging senior deputy speaker.
Nangyari ito kahapon bago sinuspindi ang sesyon sa Kamara.
Sinabi ni House Majority Leader Mannix Dalipe nais lamang na mapagaan ang mga responsibildad ni Arroyo kaakibat ng pangalawang pinakamataas na pinuno ng Kamara.
Nagpalitan sila ng puwesto ng kanyang kababayan, si Pampanga 3rd district Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
Sa ngayon si Arroyo ang nagsisilbing chairperson emeritus ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), kung saan si House Speaker Martin Romualdez naman ang kasalukuyang pangulo.
Samantala, si Gonzales ay may mataas na posisyon sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).