PCG tagumpay sa paglalagay ng boya sa West Philippine Sea

 

Tagumpay ang Philippine Coast Guard sa paglalagay ng karagdagang boya sa Kalayaan Group of Islands na sakop na ng West Philippine Sea.

Kabilang sa mga nilagyan ng boya o marka ang Patag Island, Balagtas Reef, Kota Island, Panata Island, at Julian Felipe Reef.

Ayon kay PCG Maritime Safety Service Commander Vice Admiral Joseph Coyme, nagsisilbi itong gabay ng mga Pilipinong mangingisda at malalaking barko na naglalayag sa WPS.

Aniya, maituturing din itong “sovereign markers” sa Kalayaan Group of Islands na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Kanina ay bumalik na sa PCG ang mga tauhan na naglagay ng boya sa Kalayaan Group of Islands.

“Iyong contingent po ng Philippine Coast Guard gumamit po kami ng limang barko dito. Apat na PCG ships at isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang primary mission po ng  mga barko po na ito ay maglalagay ng boya dito sa mga unidentified areas sa West Philippine Sea. Now kung titingnan natin simula  noong pag-alis nila dito sa Maynila at pagbalik kanina ay isang lingo po sila ang total, kasama  po iyong apat ng araw sa paglalayag  at tatlong araw sa actual na paglatag o pag-install ng navigational bouys  in five areas ang nalatag po natin sa  mga lugar  na ito specifically dito po sa Patag Island, Balagtas Reef, Kota Island, Panata Island, at Julian Felipe Reef,” pahayag ni Coyme.

Sinabi pa ni Coyme na kailangan na palakasin ang enforcement activities ng PCG sa lugar.

“And alone on my part ang operationalizing the concept ay nag-propose po kami ng operational plan KalSo, ibig  sabihin po  nito Kaligtasan at Soberenya. Ang pinaka-misyon po nito is ayon sa mandato ng Coast guard, to develop, establish, maintain, operate aids to navigation para tumaas po ang aming operational efficiency sa pag-administer, pag-manage ng ating lighthouses and aids to navigation dito sa ating bansa.  At binigyan po namin ng importansya at suportahan din po iyong direksyon ng ating National Task Force  West Philippine Sea at lalo na iyong mga  outlying islands and islets po natin,” pahayag ni Coyme.

Sabi ni Coyme, may 10 boya na nailagay ang PCG noong nakaraang taon.

Apat na lanterns na rin ang napailaw sa bahagi ng Batanes Group of Islands.

Paliwanag ni Coyme, layunin ng paglalagay ng boya ay para magkaroon ng navigational safety ang mga barko na maglalayag sa lugar.

Pangalawa, magsisilbi rin itong sovereign markers dahil may marka ng watawat ng pilipinas ang mga boya.

Pangatlo at higit sa pinakamalaha ayon kay Coyme ay pagpapakita ito ng malakas na presensya na may control ang Pilipinas sa mga lugar na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Sabi ni Coyme, magsisilbi rin itong proteksyon sa mga mangingisda at magiging pagkakakilanlan ng fishing grounds ng mga Filipino.

Maari aniyang sumilong ang mga mangingisda sa mga lugar na sakop ng boya kapag nakaranas ng masamang panahon.

Hindi lang aniya ang Pilipinas ang makikinabang sa mga boya kundi maging ang iba pa dahil ang bawat nakalatag na boya ay bino-broadcast sa pamamagitan ng notice to mariner at inilalagay  ng mga marinero  sa nautical chart nila.

Sobrang ingat aniya ang PCG sa paglalagay ng mga boya dahil napaka sensitibo at kritikal na isyu ang West Philippine Sea.

Unang nilagyan ng boya ng PCG ang mga claimed features. Hindi aniya pinakialaman ng PCG ang mga contested area.

Pero pag-amin ni Coyme, kahit may mga boya na inilagay ang PCG hindi pa rin maiwasan ang mga insidente mula sa mga kalapit na bansa lalo na ang China.

Hindi aniya maiwasan na mag-cross ng claim territories ang dalawang bansa.

Pero hindi naman aniya nagpapatinag ang PCG sa mga hamon ng China.

“Ang ginagawa po natin, we responded well also at the same thing we challenged them also by telling them that  this is just, we are conducting Maritime Domain  Awareness flight and we are conducting lawful, law enforcement activities within the Philippines Exclusive Economic Zone. So, ganoon  lang po  iyon, once  they challenged us, we challenged them also,” pahayag ni Coyme.

Taong 2019, naglagay na rin ang PCG ng 30-footer ocean na boya sa Benham Rise.

 

Read more...