Inaprubahan ni Pangulong Fedinand “Bongbong” Marcos Jr. ang importasyon ng humigit kumulang ng 150,000 metrikong toneladang asukal.
Ayon sa Pangulo, ito ay para ma-stablize ang presyo ng asukal sa bansa.
“We agreed to additional importation of sugar to stabilize the prices. Maximum amount will be 150,000 MT but probably less,” pahayag ng Pangulo matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration sa pamumuno nina Acting Administrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang na kumakatawan sa mga millers.
Dumalo rin sa pagpupulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at SRA Board Secretary Rodney Rubrica.
“The exact amount will be determined once we have determined the exact amount of supply, which will come at the end of this month,” pahayag ng Pangulo.
Sabi ng Pangulo, bukas ang importasyon sa lahat ng traders.
Base sa pagtaya ng SRA, magkakaroon ng negative ending stock ang bansa ng 552,835 metrikong tonelada pagsapit ng Agosto 2023 o ang pagtatapos ng milling season.
Kaya sabi ng Pangulo para hindi kapusin ang suplay, kailangan na mag-angkat ng asukal ng 100,000 hanggang 150,000 metrikong tonelada.
Ayon sa SRA, as of May 7, 2023, sapat naman ang suplay ng raw sugar na nasa 160,000 metrikong tonelada pa.
Pero sabi ng SRA, kailangan na mag-angkat dahil ang expected local production ngayong taon ay nasa 2.4 milyong metrikong tonelada lamang.
Kahit isama pa ito sa 440,000 metrikong tonelada na una nang pinayagan na iangkat at 64,050 na Minimum Access Volume (MAV) mechanism ay hindi kakayanin ang 3.1 milyong metrikong demand ng asukal sa merkado.
Sinabi naman ni Azcona kay Pangulong Marcos na dahil sa bagong direktiba, tiyak na magiging masaya ang mga magsasaka sa asukal dahil makikinabang din sila oras na ma-stablize na ang presyo nito sa merkado.
Sa ngayon, nasa P62 ang farmgate na presyo sa asukal. Mas mataas ito sa P38 na farmgate noong 2021 hanggang 2022.
Para mapalakas ang produksyon ng asukal, inaprubahan na rin ng Pangulo na baguhin ang pag-uumpisa ng milling season mula sa Agosto patungo sa Setyembre ngayong taon.
Inatasan din ng Pangulo ang SRA na pabilisin ang block farming initiatives para mapataas din ang produksyon. Ang block farming ay isang sistema kung saan ang maliliit na lote ng sakahan ay pinagsasama sama sa hindi bababa sa 30 ektaryang bloke ng sakahan.
Sa kasalukuyan, mayroong 21 block farms sa bans ana may average na 40 ektarya ang bawat isa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.