Bibigyan ng ayuda ng pamahalaan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng suspension ng work visa sa Kuwait.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes, isasama sa National Reintegration Program ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga apektadong OFW.
“Para mabigyan sila ng tulong at ayuda considering alam nila kung ano iyong mga pinagdaanan at alam nila what they had to give up just to the flight to Kuwait,” pahayag ni Cortes.
Una rito, sinuspendi ng Kuwait ang pagbibigay ng bagong entry visa sa mga OFW dahil sa umanoý paglabag ng Pilipinas sa 2018 bilateral labor agreement nang magtatag ng shelter ang pamahalaan para sa mga distressed OFW.
“Well, yesterday (Friday) nagpadala na sila (Kuwait) ng official note na suspended nga ang new visas,” pahayag ni Cortes.
“We were told na it is only for those na bago – meaning kung wala kang resident visa o iyong tinatawag nilang ‘iqama’… hindi ka pwede pumasok. Pero kung babalik ka ng Kuwait dahil doon ka naman na nagtatrabaho at—iyon nga, have been living there, working there, pwede ka namang pumasok,” dagdag ni Cortes.