Tinaguriang “Warrior Colonel”, patay sa pamamaril sa Zamboanga City
Patay matapos na magtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at dalawa din sa iba pang bahagi ng katawan si Lt. Col. Jose Paolo “Tiny” Perez, 46 anyos at G1 (head of personnel) ng 1st Infantry “Tabak” Division.
Binaril si Perez sa likod ng Secret Recipe Cafe and Restaurant na pag-aari ng kanyang asawang si Florie May sa bayan ng Guiwan sa Zamboanga City alas 9:20 Linggo ng gabi habang masayang inaasikaso ang mga kaibigan at mga kaklase sa PMA Class 1993 sa pagdiriwang ng Father’s day.
Ayon sa pahayag ng mga saksi, may tumawag sa cellphone ni Perez at pumunta ito sa likod ng restaurant upang makipagkita marahil daw ay sa kanyang kausap o sa taong tinutukoy ng kanyang kausap sa telepono.
Wala umanong CCTV sa labas ng restaurant kung saan binaril ang biktima, pero ayon sa ilang saksi, galing sa bahagi ng Aurora Village ang salarin.
Ayon sa kanyang mga kaanak, ang taong tumawag ang tiyak na magiging susi ng pagkakakilanlan ng suspek.
Nagawa pang isugod sa Zamboanga Peninsula Hospital si Perez subalit idineklara ring patay alas 10:45 ng gabi.
Labis na nalungkot sa kanyang pagkamatay ang mga matalik nitong kaibigan, kabilang na si Anak Mindanao Partylist Representative Djalia Turabin-Hataman.
“Life will never be the same without your laughter.. Thank you for everything. No words can describe the pain we feel. We will always be here for your beloved wife and children..,” ayon kay Congresswoman Turabin-Hataman sa kanyang Facebook wall.
Ayon kay Congw. Hataman, kasalukuyang nasa Mecca sila ng kanyang asawang si ARMM Governor Mujiv Hataman at sisikapin nilang makakuha ng earlier flight pabalik ng Pilipinas upang makidalamhati sa asawa at tatlong anak ni Perez.
Tinaguriang kilabot na kalaban ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan si Perez. Walang takot nitong ipinapahayag sa publiko ang aniya’y kolusyon ng ibang pulitiko sa lalawigan sa bandidong grupo. Aniya, hindi siya nangingiming bombahin ang mga kuta ng ASG at iba pang kalaban ng pamahalaan na gumugulo sa kanyang area of responsibility (AOR).
Bago nalipat ng 1st Infantry Division ay commander ng 18th Infantry Battalion sa Basilan si Perez. Kasama sa AOR nito ang ilan sa mga pinakadelikadong lugar sa bansa para sa mga militar–ang Al Barka, Tipo Tipo at Ungkaya Pukan.
Dalawang araw isasagawa ang lamay para sa mga labi ni Perez sa Zamboanga City, at pagkatapos ay dadalhin ito sa Maynila sa loob ng tatlong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.