Magtutungo sa Kuwait ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers ngayong buwan ng Mayo.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Paul Cortes, ito ay para kausapin ang Kuwait matapos itigil ang pag-iisyu ng entry visa sa mga overseas Filipino workers.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Cortes na matagal na rin namang plano ng DFA at DMW ang magtungo sa Kuwait kahit na hindi pa sumusulpot ang naturang problema.
Sabi ni Cortes, walang nilalabag sa 2018 bilateral labor agreement ang Pilipinas sa Kuwait nang magtatag ng shelter ang pamahalaan para sa mga distressed OFW.
Nakasaad kasi aniya sa batas na maaring magtatag ng shelter ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.
Nais kasi ng pamahalaan ng Kuwait na tanggalin ang shelter sa embahada ng Pilipinas dahil nagiging takbuhan ito ng mga runaway household workers.
Sa ngayon, sinabi ni Cortes na wala pa namang pormal na komunikasyon ang Kuwait sa pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa nasabing isyu.