Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang pananagutan ang GCash sa nangyaring aberya sa operasyong ng e-wallet service provider kamakailan.
Aniya mabilis ang naging pagtugon ng GCash ukol sa mga reklamo nang pagkabawas o pagkawala ng pondo sa kanilang e-wallet.
Ito ang naging tugon ng kalihim sa mga panawagan na imbestigahan ang GCash ukol sa pangyayari.
Una nang ipinaliwanag ng GCash na hindi na-“hack” ang kanilang IT platform kundi maituturing na “phishing” ang nangyari o nalaman ng tinatawag na “cyber tricksters” ang account information ng ilang subscribers.
Ito anila ang dahilan kayat nagkaroon ng “unauthorized fund transfers.”
Naibalik din ang mga nailipat na pondo at nangako na gumawa na sila ng konkretong hakabang para hindi na maulit ang insidente.
Sabi pa ni Remulla kung hindi naging mabilis ang aksyon ng GCash posibleng maharap ito sa “cyber crimes.”