Mga pagpipiliang barong ni Duterte sa inagurasyon, handa na
Wala nang dapat problemahin pa si incoming President Rodrigo Duterte sa kaniyang isusuot sa kaniyang inagurasyon dahil inihahanda na ang kaniyang mga barong Tagalog na hindi bababa sa isang dosena ang bilang.
Ayon sa master cutter ng Chardin na isang high-end clothes shop sa Davao City na si Hermenigildo Balagon, wala silang gagawing pagbabago sa mga disenyong ginagawa nila kay Duterte simula pa noong 2003.
Nakapagpadala na rin sila ng anim na barong Tagalog kay Duterte, at mayroon pa silang tinatapos na karagdagan pang anim na piraso.
Ayon naman sa sastre na si Bobby Castillo, hindi naman 12 ang inorder ni Duterte, pero ginagawa lang nila ito dahil alam nilang wala sa prayoridad ng sunod na pangulo ang pagpili ng kaniyang isusuot.
Maari pa aniya silang gumawa ng duplicate para mayroon siyang maiwan sa Malacañang at may magagamit rin siya sa Davao.
Paliwanag naman ni Balagon, gagamit lang sila ng telang jusi na mukhang piña dahil nangangati umano si Duterte sa piña.
Kung handa na ang mga pagpipilian ni Duterte, gayundin ang sa mga anak niyang sina Sebastian, Sara at Paolo.
Si Sebastian ay magsusuot ng barong na gawa sa Mindanao silk, mula sa Davao Fashion and Design Council (DFDC).
Umaasa ang DFDC na matutulungan ng pag-suot ni Baste ng ganitong uri ng barong ang industriya ng Mindanao silk na humina na ang bentahan.
Samantala, nakuha naman na ni Sara Duterte-Carpio ang kaniyang royal blue na gown na gawa ng kaniyang paboritong designer na si Silverio Anglacer.
Si Paolo naman ay magsusuot ng barong na gawa ng local designer rin na si Erwin Lee Tan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.