Dating Sen. Leila de Lima “not guilty” sa drug case

 

Pinawalang sala si dating Senator Leila de Lima sa kinaharap na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bunga nito, isang drug case na lamang ang kinahaharap ni de Lima at ito ay sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256, kung saan may nakabinbin siyang petisyon na makapag-piyansa.

Sa pahayag ni de Lima, na binasa ng kanyang abogadong si Filibon Tacardon, sinabi nito na sa simula pa lamang ang kumpiyansa na siya na mapapawalang-sala dahil gawa-gawa lamang ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Diin nito inosente siya sa lahat ng mga kaso.

Sinabi pa nito na nalulungkot lamang siya dahil marami sa kanyang mga mahal sa buhay at kaibigan na kasama niyang nanindigan ay namayapa na kayat hindi na niya makakasama sa kanyang tagumpay.

Ayon naman kay Tacardon, naging mabigat sa desisyon ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang pagbaligtad ng maraming testigo ng prosekusyon, kabilang na si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos.

Si Ronnie Dayan, na dating aide ni de Lima at kapwa akusado sa kaso, ay sinabi na “laya na kami” pagpasok niya ng Muntinlupa Hall of Justice.

Gayunpaman, hindi pa rin makakalabas ng PNP Custodial Center sa Camp Crame si de Lima, kung saan mahigit anim na taon na siyang nakakulong, dahil wala pang desisyon sa kanyang hirit na makapag-piyansa sa natitirang kaso.

Una nang napawalang-sala noong 2021 si de Lima sa isinampang drug case sa kanya ng Department of Justice (DOJ).

Read more...