De Lima sesentensiyahan bukas sa drug case, humingi ng dasal
Humingi ng panalangin si dating Senator Leila de Lima sa publiko para mapawalang-sala din sa isa pang kinaharap na drug case bukas.
“Samahan n’yo po ako sa aking taimtim na panalangin para sa mapagpala at makatarungan na kalalabasan ng promulgation of judgment bukas, May 12, sa isa sa mga kaso ko,” hiling ni De Lima.
Bukas, ganap na alas-8:30 ng umaga ay inaasahan na babasahin na ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 sa Case 17-165.
Sa kaso, inakusahan si de Lima nang pakikipag-kutsabahan sa kanyang dating driver-aide na si Ronnie Dayan sa illegal drug trading sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
Una nang ibinasura noong Pebrero 2021 ng isang korte din sa Muntinlupa ang drug-case na isinampa ng Department of Justice (DOJ) noong 2017.
“With Truth on my side, I remain hopeful and optimistic of a positive outcome in my two remaining drug cases. In the name of Truth and Justice. Please stand by me and for me in this most critical phase of my journey towards freedom and vindication. Hindi po tayo pababayaan ng Mahal na Panginoon,” sabi pa ni de Lima sa isang sulat mula sa kanyang selda sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Noong Lunes, ipinagpaliban ng Muntinlupa RTC Branch 256 ang pagdedesisyon sa petisyon ni de Lima na makapag-piyansa matapos aminin ng panig ng prosekusyon na nagkamali sa pag-marka ng ebidensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.