SP Migz sa traders: Ibahagi ang kita sa mga manggagawa
Nagpaalala si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga negosyante na marami nang bagong batas para sa kanilang pagnenegosyo at aniya panahon na para naman mapakinabangan ng mga manggagawa ang kita dahil sa kanilang paghihirap.
Ginawa ito ni Zubiri sa pagdinig ng Senate Committee on Labor ukol sa isinusulong na Across-the-Board Wage Increase Act, na layon bigyan ng P150 dagdag-sahod ang lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ani Zubiri ang huling legislated minimum wage increase noong 1989 at ito ay P89 bago maipasa ang RA 6727, na bumuo sa Regional Wage Boards.
“Ang nakita po natin, with due respect sa ating Regional Wage Boards, napakababa po ng mga increase nila at napakatagal bago nila aksyunan ang problema ng pagtaas ng bilihin, at ang sigaw ng tao para sa disente man lang na sahod. Kapag umaaksyon naman sila, napakababa ng increase, between Php5.00 to Php16.00 lang,” aniya.
Diin ng senador, maraming negosyo ang nakabawi na mula sa pagkakadapa sa pandemya.
Hindi din naniniwala si Zubiri na iiwasan na ang Pilipinas ng mga dayuhang mamumuhunan sa pagtaas ng sahod sa katuwiran na sa Indonesia ang minimum wage ay may katumbas na P842 kada araw, P854 sa Malaysia at P2,486 naman sa Singapore.
Ibinahagi din ni Zubiri na marami siyang natanggap na oposisyon sa kanyang panukalang taas-sahod kabilang ang mga mula sa mga negosyante.
“Those were pro-business measures. Ngayon ang akala po namin, dahil may mas malaki po kayong income, sana ay maibahagi niyo po ito sa ating mga kababayan. It’s about time that we share. Tinulungan po namin ang business sector with pro-business legislation. Ngayon itaas naman po natin ang sweldo,” dagdag pa ni Zubiri.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.