Access sa FB at Twitter, pinutol sa Algeria para iwas-kopyahan ang mga estudyante
Pansamantala munang pinutol ng mga otoridad sa Algeria ang access ng mga mamamayan sa Facebook, Twitter at iba pang social media sites.
Ito ay para mapigilan na ang pangongopya ng mga estudyante sa mga kumakalat na exam papers sa internet lalo na sa mga social media sites.
Libu-libong mga high school students ang sasailalim sa retake ng kanilang baccalaureate exams matapos kumalat sa social media ang ilang detalye ng kanilang pagsusulit.
Paliwanag ng APS state news agency, ginawa nila ang pag-block sa mga social media sites upang maprotektahan ang mga estudyante sa mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa pagsusulit na ginanap ng Linggo.
Bahagya ring hindi ma-access nang maayos ang internet sa pamamagitan ng 3G mobile network sa araw ng pagsusulit ng mga estudyante.
Kamakailan lamang, dose-dosenang katao ang naaresto kabilang na ang ilang mga opisyal sa mga national education offices at printers bilang bahagi ng imbestigasyon para malaman kung paano kumalat ang mga detalye ng exams sa social media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.