Senado balik sesyon ngayon araw, P150 wage hike prayoridad
Balik-sesyon ang mga senador ngayon araw matapos ang kanilang “Holy Week break” at ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri kabilang sa mga prayoridad na matalakay ay ang panukalang P150 taas-sahod sa minimum wage.
Sinabi ni Zubiri na lahat ng senador ay pabor na mabigyan ng umento ang mga manggagawa sa katuwiran na napakababa na ng kasalukuyang P570 daily minimum wage.
“Workers are not feeling the drop in inflation; the price of gas and even the price of electricity is still high, the transportation costs are also higher now…so we really have to help our workers,” sabi ni Zubiri sa panayam sa radyo.
Bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo 3, nabanggit din ng senador na isusulong din nila maipasa ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill, na sumailalim sa malawakang pag-amyenda sa Committee on Banks kumpara sa ipinasa ng Mababang Kapulungam.
Ngayon araw, isasagawa naman ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Francis Tolentino ukol sa hinihinalang ilegal na pagpasok ng mga imported sugar base sa resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros.
Magpapatuloy din ngayon linggo ang pagdinig ng Committee on Public Order ni Sen. Ronald dela Rosa sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Kabilang naman sa sasailalim sa mga pag-amyenda ang Build-Operate-Transfer (BOT) law, Medical Reserve Corps bill, ang panukalang pagbuo sa Philippine Virology Institute, at Internet Transactions Act of 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.