Buo ang suporta ng Commission on Human Rights (CHR) sa buong pwersang implementasyon ng batas laban sa mga bandidong Abu Sayyaf na pumugot sa dalawang bihag na Canadian kamakailan.
Nakiisa na rin ang CHR sa pag-kondena sa pagpatay ng Abu Sayyaf Group (ASG) kina Robert Hall at John Ridsdel nang hindi nila makuha ang kanilang hinihinging ransom.
Nananawagan na rin ang CHR sa mabilis na pag-aresto at prosekusyon sa mga miyembro ng ASG dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao.
Sa kanilang inilabas na pahayag, iginiit ng CHR na hindi dapat hinahayaan ang mga ganitong gawain ng Abu Sayyaf at na wala itong lugar sa lipunan.
Ayon kay CHR chair Chito Gascon, sinusuportahan nila ang hakbang ng pamahalaan laban sa Abu Sayyaf, kasabay ng paghiling na sana ay agad na makulong ang mga ito.
Ipinaabot rin nila ang kanilang pakikiramay sa mga pamilya nina Hall at Ridsdel.
Samantala, mayroon pang isang Pilipinong bihag ang Abu Sayyaf na si Maritess Flor, kasama ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
Nagpadala na ng tinatayang 5,000 tropa ang Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines upang tugisin ang ASG at mailigtas ang mga bihag nito.