Pagtaas ng sahod ng public dentists inihirit ni Chiz
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Isinusulong ni Senator Chiz Escudero ang panukala na naglalayong taasan ang sahod ng may 2,000 dentista na nasa public sector.
Layon ng Senate Bill 2082 o Public Dentist Salary Modernization Act ni Escudero na makahiyakat pa ng mga dentista na magtatrabaho sa gobyerno.
Alinsunod sa panukala, itataas sa P43,030 ang entry level salary ng mga dentista o katumbas ng salary grade 17 mula sa kasalukuyang P31,320 o salary grade 13.
Sinabi ni Escudero na isa sa rason kaya bigo ang gobyerno na maka-recruit ng mga dentista ay dahil sa masyadong malayong kita ng mga nasa gobyerno kumpara sa private dental practice.
Sa ulat ng National Database of Selected Human Resources for Health, nasa 1,943 ang dentista na nasa public sector na nangangahulugan ang bawat dentista ay kinakailangang tugunan ang oral health needs ng 57,423 na Pilipino.
Bukod sa Dentist 1 position, itataas din sa P57,347 ang sahod ng Dentist II; P71,511 sa Dentist III; P102,690 sa Dentist IV; P131,124 sa Dentist V; P167,423 sa Dentist Vi at P189,199 sa Dentist VII.