Pabor si Senator Nancy na ikunsidera ang pagsasapribado ng mga paliparan sa bansa kasunod na rin ng mga aberya na lubhang nakakaapekto sa libo-libong pasahero.
Aniya maaring isapribado ang ilang sistema ng operasyon ng paliparan.
Ukol sa nangyaring aberya noong Lunes, isinalarawan ito ni Binay na “parang sirang plaka” at lubha din nakakaapekto sa industriya ng turismo sa bansa.
“Uulit-ulitin natin, itong mga airports natin ito ang gateway sa atin ng mga turista. Tapos tayo ang magh-host ng FIBA tapos may ganitong pangyayari, Ninenerbiyos tayo kasi baka makaapekto, nakita natin January at May 1, maraming nagambala na turista,” ayon sa senadora.
Dapat din aniya ay maglatag na ng mga konkretong solusyon at dapat din aniya ay 100 porsiyentong nasusunod ang mga rekomendasyon ng mga eksperto.
“Gumastos tayo sa audit pero hindi nabibigyan ng sapat na pondo at atensyon ang solusyon,” dagdag pa ni Binay.
Dagdag pa niya na kung kulang ang mailalaan na pondo ng gobyerno ay papasukin ang pribadong sektor, na handang gumastos.