Comelec may pangarap na vote counting machine para sa 2025 polls
Mula sa mga aberya hanggang sa pagdududa sa paggamit ng vote counting machines (VCMs), sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na magiging bahagi na lamang ito ng kasaysayan ng eleksyon at botohan sa bansa.
Ibinahagi ni Chairman George Erwin Garcia na naisapinal na nila ang Terms of Reference (TOR) para sa hihingiin nilang makina, na nais nilang masubukan na sa 2025 elections.
Bahagi ito ng kanilang Fully Automated System witth Transparency Audit and Count o FASTrAC.
Ang makina, na tinatawag na Automated Counting Machine (ACM) ay taglay mga kapabilidad ng Upgraded Optical Mark Reader (OMR) at DIrect Recording Electronic (DRE).
“Kasi pag shine-shade mayroon pang issue ng 50 percent, 25 percent. Sasabihin kapag hindi daw 50 percent hindi na bibilangin ng machine…ngayon po hindi na, tatak lang,” paliwanag ng opisyal.
Sa paggamit ng makina mareresolba na ang mga isyu din ng ballot jamming hanggang sa transmission o pagpapadala ng mga boto.
Dagdag pa ni Garcia ang makukuhang supplier ng makina ang siya din magsusuplay ng mga gagamiting papel, stamp gayundin ang iba pang kakailanganin.
Mananatili naman sa kanila ang transmission para maiwasan ang anumang pagdududa.
Ibinahagi pa niya na ang makina ay PWD-friendly kayat magiging madali na ang pagboto ng mga may kapansanan.
Aniya handa na rin silang iprisinta sa Department of Budget and Management (DBM) ang kakailanganing pondo para sa mga makina, na aniya ay uupahan lamang muna nila bagamat diin nito, ito ay dapat na “upgradable” upang magamit sa mga susunod na eleksyon sa kabila ng pagbabago ng teknolohiya.
Hindi naman nakapagbigay si Garcia ng halaga na kakailanganin para sa mga naturang makina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.