Revilla sa gobyerno: Healthcare workers bigyan ng rason na hindi umalis ng Pilipinas
Sinabi ni Senator Ramon Revilla Jr., na dapat bigyan ng gobyerno ang healthcare workers ng mabigat na dahilan para sila ay manatili na lamang sa bansa.
“Dapat tutukan ng pamahalaan ang pagpanday ng mga polisiya na magtutulak sa ating mga health care workers na manatili sa bansa sa halip na mangibang bansa kapalit ng magandang kapalaran,” ani Revilla.
Reaksyon ito ni Revilla sa panukala na dapat manatili at magserbisyo muna sa Pilipinas ang healthcare workers bago mag-trabaho sa ibang bansa.
Aniya maganda ang layon ng one-year medical service ngunit mas mabuti kung kusang pipiliin ng isang health worker na manatili sa bansa dahil sa kaya nating lumaban sa magandang oportunidad na ibinibigay ng ibang bansa.
“Let us give them more reasons to stay in our country instead of restricting them to leave. Ito ay mangyayari lamang kung mabibigyan natin sila ng oportunidad na magkaroon ng maayos na trabaho at sapat na sweldo. Kaya sikapin natin na maitaas ito kasama na ang iba pang benepisyo para hindi na sila mapilitan maghanap ng oportunidad sa ibang bansa”, dagdag pa ni Revilla.
Naiintindihan naman niya aniya na mabilis ang pag-asenso sa ibang bansa dahil sa mga magagandang oportunidad.
Si Revilla na siyang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay nauna nang nagsumite ng Senate Bill No. 1429 o ang ‘Kalusugan Ang Prayoridad Act of 2022’ upang mapag-ibayo pa ang mga benepisyo ng health care workers, maging pribado man o pampubliko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.