Video ng isang pulis na ginawang live target shooting board, viral sa social media

 

Screengrab FB/Jun Ledesma

Viral ngayon sa social media ang video na nagpapakita sa isang pulis na ginawang live target sa firing range ng kanyang superior officer.

Isang Jun Ledesma ang nag-upload ng video sa Facebook kung saan sinabi nito na nangyari ang insidente noong May 19 sa Victorias City sa Negros Occidental.

Kwento ni Ledesma, inutusan umano ni Supt. Frederick Mead si PO1 Marvin Gustilo na maglagay ng lobo sa pagitan ng kanyang binti.

Ginawa aniyang target ni Mead ang lobo na nakaipit sa pagitan ng binti ni Gustilo.

Sa halip na tamaan ang lobo, tuhod ni Gustilo ang  tinamaan ng bala ng baril nang paputukin ni Mead ang isang M16 assault rifle dahilan para mapaluhod ito at bumagsak.

Taliwas ang naunang ulat kung saan nakasaad na aksidenteng natamaan ng bala ng baril si Gustilo habang inaayos nito ang target board ni Mead sa mga pahayag at video na inilabas ni Ledesma.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 4,900 shares ang nasabing video sa Facebook.

Nabatid naman na ni-relieve bilang hepe ng Victorias City Police Station si Mead epektibo noong May 22 ngunit inilipat lamang sa Negros Occidental Provincial Police Office sa Bacolod City.

Read more...