Kung aabot ng hindi bababa sa 24 oras o higit pa ang naranasang palpak na serbisyo, awtomatikong magbibigay ng refund ang telecommunication companies (Telcos) at internet service providers (ISPs) sa kanilang subscribers.
Ito ang nais ni Sen. Jinggoy Estrada sa inihain niyang Senate Bill 2074 o ang Refund for Internet and Telecommunications Service Outages and Disruptions Act
“Naayon lamang na may refund lalo na kung ang nabalam na serbisyo ay aabot sa 24 na oras sa loob ng isang buwan. Serbisyo ang binabayaran natin. Kapag hindi ka nakabayad ng iyong bill sa itinakda nilang due date ng pagbabayad, mabilis pa sa alas kwatro ang pagputol nila ng linya. Kung hindi rin naman nila matutumbasan ang serbisyong binabayaran natin, dapat ikaltas ito sa ating mga bayarin,” sabi ni Estrada.
“Bakit tayo magbabayad sa serbisyong hindi naman natin napakinabangan? At sa panahon na halos nakadepende ang bawat galaw natin sa mga gadgets at digital devices, mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis, accessible at reliable connection,” dagdag pa niya.
Layon ng panukalang batas na iatas sa public telecommunication entities (PTEs) at ISPs ang pagkakaroon ng mekanismo para sa automatic refund o kabawasan sa singil ng kanilang postpaid at prepaid subscribers sa tuwing matitigil ang kanilang pagbibigay serbisyo.
Nais ng nasabing panukala amyendahan ang Section 20 ng Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of the Philippines at isama ang probisyon na magtatakda ng refund credit sa customer na nakaranas ng service outage o disruption na aabot sa 24 na oras sa loob ng isang buwan.
Ang refund credit ay dapat ding ibigay maging sa mga customer na prepaid ang batayan ng serbisyo, ayon pa kay Estrada.