Unity Walk and Tree Planting for Montalban Day ikinasa

By Chona Yu May 01, 2023 - 05:29 PM
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Montalban, inilunsad ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang programang Forward Nature: Unity Walk and Tree Planting for Montalban Day sa Wawa, Brgy. San Rafael, Montalban. Pinangunahan ni Congressman Nograles ang malawakang pagtitipon ng mahigit 6,000  residente ng Montalban. Sa katunayan, hindi mapigilan ang dagsa ng mga tao na nagsiksikang tumayo sa kalsada at highway kung saan si Congressman Nograles naman ay nanawagan ng lubos na pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng kapaligiran, at ang bayanihan para sa pangangalaga at pag-aruga ng kalikasan tungo sa magandang kinabukasan ng Montalban at alang-alang na rin sa susunod na henerasyon ng mga kabataan. Ayon kay Congressman Nograles, ang programang Forward Nature na binubuo ng isang alay-lakad at pagtatanim ng apat na libong piraso ng sari-saring punla sa kabundukan ng Montalban ay simbolo ng pagkakaisa at bayanihan sa pagdiriwang ng ika-152 taon na kaarawan ng Montalban. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Congressman Nograles na ang pagmamahal sa Inang Bayan at kalikasan ay tungkulin ng lahat ng Montalbenyo, kaya’t kailangan natin itaguyod ang mga gawain tulad ng Alay-Lakad at pagtatanim ng punla sa kabundukan, upang makamit ang malusog, malinis, at mapayapang bukas na may pagpapahalaga sa mga yamang likha ng Diyos. Pagkatapos ng kanyang talumpati, sinimulan ni Congressman Nograles ang mahabang Unity Walk o Alay-Lakad kasama ang mahigit anim na libong residente ng Montalban na binubuo ng mga kabataan, mag-aaral, kababaihan, senior citizens, at iba pa. Nag-martsa patungong Wawa ang grupo ni Congressman Nograles na dala ang apat na libong punla o seedlings ng punongkahoy na kanilang tinanim sa mga gilid ng ilog, tabing bundok, eskwela, barangay, at watershed o imbakan ng tubig sa Wawa. Inaasahan nilang makatutulong nang malaki ang mga puno balang araw na sisipsip sa mga tubig baha at pananggalang na rin sa pagkabakbak at pagkaanod sa baha ng mga lupa sa kapaligiran. Matatandaan na si Congressman Nograles ang may akda ng House Bill No. 1972, na layong magtatag ng Sierra Madre Development Authority (SMDA). Sakaling mabuo, mamumunuan ng SMDA ang anti-illegal logging and reforestation campaigns ng gobyerno. Ito rin ang kikilos upang maiwasan ang pagtatayo ng mga ilegal na imprastraktura at bumuo ng indigenous resources sa nasabing lugar, at magbigay ng sapat na kaalaman sa publiko hinggil sa kahalagahan ng bulubundukin. Magiging mandato rin nito na magsagawa ng survey sa physical at natural resources ng Sierra Madre at maglatag ng komprehensibong plano upang ma-conserve at magamit nang maayos para maisulong ang social at economic development sa naturang rehiyon.

TAGS: news, Nograles, Radyo Inquirer, Rizal, news, Nograles, Radyo Inquirer, Rizal

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.