Hinikayat ni Senator Grace Poe ang gobyerno na regular na rebisahin ang ipinatutupad na deployment policies para sa kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kasabay nito ang kanyang pasasalamat sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) sa agarang pagpapauwi ng ilang OFWs mula sa Sudan.
Umaasa naman si Poe na magiging mabilis din ang pagpapauwi sa natitira pang manggagawang Filipino sa naturang bansa,
Aniya mas makabubuting mailikas nang maaga upang mailayo ang mga OFW sa panganib at mapanatag na ang kanilang mga pamilya.
Nauunawaan ng senador ang pangangailangan ng lahat para sa mas mataas na sahod at tungkulin anya ng gobyerno ang palagiang ireview ang mga polisiya.
Inaasahan din ni Poe na may sapat na support system ang gobyerno para mga uuwing OFW upang mabigyan sila ng alternatibong pagkakakitaan o trabaho o sumailalim sa skills retooling at training.
Dagdag pa niya, mahalaga ang hanapbuhay, ngunit walang kapalit ang buhay at kaligtasan.