Ayuda sa mga uuwing OFWs mula sa Sudan pinatitiyak ni Sen. Jinggoy Estrada sa OWWA
Pinasisiguro ni Senator Jinggoy Estrada sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may maibibigay na tulong-pangkabuhayan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa bansa mula sa Sudan.
Hinikayat din ng namumuno sa Senate Committee on Labor and Employment, sa Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang kinauukulang ahensya gobyerno na maghanda ng mga alternatibong mapagkukuhanan ng kabuhayan para sa mga uuwi kabilang ang mga undocumented OFWs.
“Asahan na natin na karamihan sa mga OFWs na napilitang umuwi ng wala sa oras dahil sa tumitinding kaguluhan sa Sudan ay walang ipon. Baka matagalan pa bago sila makapag-relocate para makipagsapalaran sa ibang bansa. For the meantime, makabubuti siguro na mabahagian sila ng tulong ng gobyerno. May nakalaan tayong pondo para sa mga katulad nilang distressed o displaced OFWs,” ani ng senador.
Sinabi ni Estrada, na isang kilalng advocate ng labor at employment rights, na may P431 milyon na nakalaan sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program (BPBH) ng OWWA sa national budget ngayong taon.
Paliwanag niya, sa ilalim ng programang BPBH na naglalaan ng tulong pangkabuhayan para sa mga OWWA member-OFWs na napilitang umuwi, makakatanggap sila ng P20,000 bilang paunang kapital sa pagnenegosyo.
Nasa 325 na bilang ng mga tinatayang 700 na OFWs sa Sudan ang dumulog at humingi na ng tulong sa gobyerno para sa kanilang repatriation from lumalalang sitwasyon ng nasabing bansa.
“May programa ang gobyerno na makakatulong sa mga kagaya nila na nawalan ng trabaho sa ibang bansa at mainam na mabigyan sila ng ng ganitong klase ng ayuda ng sa gayon ay patuloy nilang matustusan ang gastusin ng kanilang pamilya. Sa ganitong paraan, hindi sila daragdag sa bilang ng mga unemployed nating mga kababayan,” ani Estrada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.