Sen. Cynthia Villar inalmahan ang pamemersonal ng HOA officials
Dinipensahan na ni Senator Cynthia Villar ang sarili sa viral video ng kanyang pakikipagtalo sa guwardiya ng BF Resort Village (BFRV) sa Las Pinas City. Ayon kay Villar tila pinepersonal na siya ng ilang opisyal ng homeowners association ng BFRV kayat kumonsulta na siya sa kanyang abogado para sa pagsasampa ng mga kinauukulang kaso. Sa video na kumalat sa social media mapapanood ang pagpupumilit ng senadora na maalis ang tila barikada sa Friendship Road sa naturang subdibisyon. Sa palagay ni Villar nagalit sa kanya ang mga opisyal ng subdibisyon bunga ng pagrereklamo niya ukol sa paglabag ng HOA sa isang ordinansa sa lungsod noong 1995. Paliwanag niya hindi kinikilala sa BFRV ang “friendship sticker” ng mga motorista na dumadaan sa subdibisyon at giit ng senadora ito ay malinaw na paglabag sa ordinansa. Dagdag pa nito, nagbebenta ang HOA ng sticker sa halagang P2,500 sa kabila ng pagiging libre lamang nito base sa ordinansa. Sabi pa nito, wala siyang pakialam kung batikusin siya sa kanyang ginawa basta alam niya ay ipinaglalaban lamang niya ang tama at karapatan ng maraming motorista. Dumipensa din si Villar sa mga banat na isa siyang “homophobic” dahil sa pagkakabanggit ng salitang bakla sa kanyang pakikipagtalo sa guwardiya. Aniya, bukod siya ay babae at hindi magagawang manakit ng isang lalaki, na bukod sa lubhang mataas sa kanya ay may baril pa. Nabanggit din ng senadora na matagal na siyang nakatira sa naturang lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.