Milyong-milyong pisong “confi fund” ng DepEd ipambili ng electric fan – Pimentel

Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang pamamahagi ng electric fans sa mga paaralan upang bigyan ng konting ginhawa ang mga mag-aaral sa napakatinding init ng panahon.
  Pinili ni Pimentel ang distribusyon na lamang ng mga dagdag na electric fans sa mga paaralan dahil masyadong mahal ang air conditioning unit at hindi ito kakayanin ng budget ng gobyerno.   Iminungkahi ni Pimentel na gamitin  sa pagbili ng electric fans ang P150 million confidential fund ng Department of Education (DepEd) ngayong taon gayundin ang pondo ng ahensya para sa pagbili ng gamit para sa pagtugon naman sa COVID-19 pandemic.   Aniya pa, maaari itong iutos ng pamunuan ng DepEd at hindi na kakailanganin ng batas para magamit ang confidential at pandemic funds ng ahensya.   Dagdag-suhestiyon pa ng senador, huwag na lamang papasukin sa klase o maagang pauwiin ang mga estudyante kung may abiso ang PAGASA na magiging delikado ang init ng panahon  at magsagawa na lamang ng make-up classes.   Ipinakukunsidera rin ni Pimentel ang pagbabalik sa dating school calendar kung saan sa buwan ng Abril at Mayo ay nakabakasyon ang mga mag-aaral at sa Hunyo ang simula ng mga klase.  

Read more...