Lapid nagbilin sa mga kabataan na huwag magpabaya sa pag-aaral

Inquirer File Photo
Hinimok ni Senator Lito Lapid ang mga estudyante na samantalahin ang pagkakataon na makapag-aral para sa magandang kinabukasan.
  Ginawa ni Lapid ang paalala o bilin sa inagurasyon ng limang palapag na gusali sa  Don  Honorio Ventura State University sa Apalit, Pampanga.   Sinabi ni Lapid na hindi dapat sinasayang  ng mga kabataang estudyante ang pagkakataon na sila ay makapag-aral dahil sa pagsusumikap ng kanilang mga magulang.    “Kung may DHVSU noong araw, baka  nakatapos din ako ng pag-aaral  sa kolehiyo,” ayon kay Lapid.   Si Lapid ay nakatapos lang ng high cchool dahil sa hirap ng buhay ng kanilang pamilya noon.    “Pinag- aaral kayo ng mga magulang nyo, samantalahin nyo. Wag nyo po hahayaan na sisikat ang araw at lulubog na wala kayong natututunan. Kahit kelan hindi na muling maibabalik kapag lumipas na ang araw na ito,” diin ng senador.   Todo pasalamat naman sa senador at sa Okada Foundation Inc., sina Dr. Enrique Baking, pangulo ng  DHVSU, mga estudyante at lokal na opisyal.   Sinabi naman ni James Lorenzana, presidente ng Okada Foundation Inc. na ito ang kauna-unahang gusaling pang-edukasyon na kanilang ipinatayo gamit ang P50 milyong pondo.

Read more...