PPA nagkasa ng surprise drug test, 500 kawani negatibo
By Jan Escosio April 25, 2023 - 04:31 PM
(PPA)
Sumailalim sa surprise drug test ang humigit kumulang 500 kawani ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ibinahagi ni General Manager Jay Santiago walang nagpositibo sa paggamit ng anumang droga sa mga kawani mula sa Head Office, Port Management Office (PMO) ng NCR- North at PMO NCR- South.
“Sinisigurado ng PPA na naipapatupad natin ang mga ganitong regulasyon para mapanatili ang kaayusan sa ating ahensya. Sumasalamin sa ginawa nating surprise drug testing ang katapatan ng ating mga empleyado sa pagkakaroon ng malinis at serbisyong may integridad. Layon din namin maging ligtas ang opisina at magkaroon ang lahat ng healthy lifestyle kahit nasa trabaho” ayon Santiago.
Paliwanag pa niya, ang drug-test ay alinsunod sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan ipinapatupad ang pagsasagawa ng “random drug testing” sa mga opisyal o empleyado ng mga pampubliko o pribadong opisina.
“Bilang mga empleyado ng gobyerno, dapat tayo mismo ay maging mabuting modelo sa publiko lalo na at wala namang magandang naidudulot ang droga sa ating katawan. Nagsama na rin kami ng PDEA para sila na mismo ang bahala kung sakaling may mag positibo sa mga sumailalim sa surprise drug test,” sambit naman ni Port Police Supt. Acting Manager Genaro P. Mancio Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.