Free tuition sa UP dapat pag-aralan, ayon kay Gatchalian
Inamin ni Senator Sherwin Gatchalian na panahon na upang bistahin ang batas na nagbibigay ng awtomatikong scholarship sa mga estudyante ng University of the Philippines. (UP). Sinabi ito ni Gatchalian bilang reaksyon sa mga puna na may mga mayayaman na nakikinabang sa libreng matrikula para sa mga estudyante ng State Universities and Colleges na dapat sana ay para sa mga kuwalipikadong mahihirap. Sa kabilang dako, ipinaliwanag ni Gatchalian na hindi naman ng lahat ng public university ay kahalintulad ng UP dahil mayorya naman sa SUCs ay mula sa mahihirap na pamilya ang mga estudyante. Sinabi ng senador na panahon nang rebyuhin kung dapat pang isama ang UP sa free tuition law dahil maging ang unibersidad naman ay nagsasabi na mas epektibo ang dati nilang sistemang ipinatutupad kung saan nagbabayad ang mga may kaya. Kasabay nito, nilinaw ng senador na may probisyon din sa batas ng libreng pag-aaral sa kolehiyo ang tinatawag na opt-out o ang pagkukusang isuko ang scholarship kung may kakayahan namang magbayad. Subalit aminado ang senador na wala pang sumusunod sa probisyong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.