Hinamon ni Senator Ronald dela Rosa si suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., na pangalanan ang dalawang mataas na opisyal ng gobyerno na sinabi nitong balak siyang ipapatay.
Katuwiran ni dela Rosa ito ay para na rin hindi mapagbintangan si Teves na gawa-gawa lamang niya ang alegasyon.
Una nang sinabi ni Teves na kaya hindi siya makabalik ng Pilipinas ay dahil may dalawang mataas na opisyal ng gobyerno na nais siyang ipapatay.
Ayon pa kay dela Rosa kung hindi tatanggapin ni Teves ang kanyang hamon, hindi maisasantabi na isipin ng publiko na guni-guni lamang nito ang kanyang sinabi.
Aniya maaring isipin din ng taumbayan na nagdadahilan lamang si Teves para hindi bumalik sa Pilipinas at iniiwasan ang mga bintang na may kinalaman siya sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Dagdag pa ng senador, tiniyak na ni Interior Sec. Benhur Abalos ang kaligtasan ni Teves kapag umuwi na ito.