Mga magsasaka sa Camarines Sur na apektado ng kalamidad, inayudahan ng DAR

 

 

(Photo: DAR)

Binigyan ng ayuda ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasaka na apektado ng ibat ibang uri ng kalamidad sa Camarines Sur.

Ayon kay DAR-Camarines Sur chief Renato Bequillo, apat na agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) ang naayudahan ng P769,000 halaga ng farm machinery at equipment sa pamamagitan ng proyektong Sustainable Livelihood Support for Disaster Affected Areas (SLSDAA).

“Ang DAR ay hindi lamang nagbigay ng kinakailangang suporta sa mga nakaranas ng mapangwasak na epekto ng mga kalamidad ngunit nakagawa din ng mahalagang hakbang tungo sa pagtataguyod ng napapanatiling kabuhayan sa mga apektadong lugar,” ayon kay Bequillo.

Nabatid na ang Agrarian Reform Beneficiaries Organization of Mandiclom (ARBOM) sa Mandiclom, Caramoan ay nakatanggap ng isang unit mobile rice milling at polishing machine; ang Sagrada Farmers and Farmworkers Association (SAFFA) sa Sagrada, Tinambac ay nabigyan ng isang unit Roto tilling machine na may mga gamit; ang Camuning Farmers Association (CFA) sa Camuning, Calabanga at Palestina People’s Multi-purpose Association (PPMA) Inc. sa Palestina, Pili ay nakatanggap ng isang unit hand tractor na may mga kagamitan at isang unit na corn sheller bawat isa.

Ayon kay Bequillo, pakikinabangan ang mga makina at kagamitan ng mahigit 20 magsasaka.

Binigyan din ng pagsasanay ang mga miyembro ng organisasyon sa tamang paggamit ng mga makinarya at pagpapanatili sa mga ito upang mabigyan sila ng mga bagong pamamaraan at kasangkapan sa pagsasaka.

“Sa pamamagitan ng mga kagamitang pangsaka na ito, ang apat na ARBO ay maaari na ngayong magsimula ng kanilang mga negosyo at magbigay ng mga serbisyo sa kanilang mga miyembro, at sa iba pang maliliit na magsasaka sa komunidad,” ayon kay Bequillo.

Sinabi ni Bequillo na tinitiyak ng DAR na ang mga magsasaka ay may access sa mga kagamitan upang sila ay magkaroon ng ambag sa paglago ng lokal na ekonomiya.

“Ang inisyatiba na ito ay isang patunay sa pangako ng DAR na magkaroon ng positibong epekto sa buhay ng mga magsasaka, at ito ay walang alinlangan na isang hakbang sa tamang direksyon tungo sa pagbuo ng matatag na komunidad,” dagdag niya.

Ang SLSDAA ay isang programa na naglalayong lumikha ng mga alternatibong kabuhayan o ibalik at maisaayos ang mga naapektuhan ng mga epekto ng pagbabago ng klima.

 

Read more...