1.1B scam, spam messages naharang ng Globe sa Q1 2023
HALOS 1.1 bilyon na scam at spam messages ang naharang ng Globe sa unang tatlong buwan ng taon sa patuloy na kampanya nito laban sa online fraud kasabay ng pagpapatupad ng SIM Registration Act.
Mataas ng limang uli ang mga naharang na mapanlokong text messages base sa 217.31 milyon naitala noong katulad na panahon noong 2022.
Tumaas din ang bilang ng blacklisted SIMs sa tulong ng Stop Spam portal ng Globe, umabot ito sa 22,455 mula Enero hanggang Marso ngayong taon kumpara sa naitalang 1,812 sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Bukod dito, na-deactivate din ng Globe ang 647 SIMs, kung saan ang 610 ay nasangkot sa pagpapadala ng scam o mga mensaheng panloloko habang ang natitirang 37 ay ginamit sa pagpapadala ng mga spam messages.
Noong 2022, pumalo sa halos 2.72 bilyong scam at spam messages ang naharang ng Globe, mahigit doble ng 1.15 bilyon na naitala noong 2021 kasabay nang pag-deactivate ng 20,225 SIMs at inilagay sa blacklist ang 35,333 SIMs.
“At our core, we remain committed to providing a secure digital experience for our customers. Aside from our various consumer protection initiatives, we are continuously investing in advanced spam detection and blocking systems to protect our subscribers from unwanted and unsolicited messages,” ayon kay Globe Chief Information Security Officer Anton Bonifacio.
Aabot sa $20 milyon na ang na-invest ng Globe para sa spam at scam detection at blocking ng spam at scam SMS. Sa sistemang ito, nasasala ang unwanted messages kabilang ang app-to-person at person-to-person SMS, lokal o international man ang pinanggagalingan.
Sinimulan ng Globe ang pagba-block ng SMS na may clickable URLs noong Setyembre 2022 bilang tugon sa tumataas na kaso ng mga scam at spam messages, kabilang ang mga nakalagay pa ang buong pangalan ng mobile users.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.