Pag-usad ng Degamo case wala sa kamay ng media
By: Chona Yu
- 2 years ago
Pumalag ang National Press Club (NPC) sa pahaging ni Pamplona Mayor Janice Degamo na tumatanggap ng pera ang media kaya hindi umuusad ang kaso ng asawang si Governor Roel Degamo.
Ayon kay NPC President Lydia Bueno, wala sa kamay ng media kundi sa mga awtoridad nakasalalay ang pag-usad sa kaso.
Sa pagdinig ng Senate committee on Pubic Order and Dangerous Drugs sinabi ni Degamo na hindi nila kaya na magpa GCash sa media kayat tulungan na lamang silang bantayan ang kaso.
“Nakasalalay sa kamay ng mga awtoridad, partikular ang mga taong gobyerno, alagad ng batas, mga piskal at hukom ang pag-usad o pagsulong ng anomang kaso, gaya ng kaso nina Degamo at Teves. Tanging trabaho ng media ang maglabas ng balita mula sa magkabilang panig. Hindi dapat pagbintangan o sisihin ang media sa bilis o bagal ng pagkamit ng katarungan,” pahayag ni Bueno.
“Media you have a very strong role in preserving democracy.Sana po huwag nating tantanan , humihingi kami ng tulong sa inyo pero hindi naman namin kayang magpa GCash sa media … may role kayo sa problema namin…”sabi ni Mrs Degamo sa senate hearing.
Si Teves ang isa sa pangunahing inaakusahan sa pagkamatay ni Governor Degamo.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik ng Pilipinas si Teves dahil sa banta sa kanyang buhay.