Nalagpasan na ni Pangulong Marcos Jr. ang target na isang milyong pabahay para sa unang taon sa puwesto.
Ayon sa Pangulo, base sa pakikipag ugnayan kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Rizalino Acuzar, nasa 1.2 milyong pabahay na ang ipinagagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Hamon ng Pangulo kay Acuzar, ipakita sa taumbayan ang mga ipinatatayong pabahay.
“Kaya sinasabi, tintukso ko si Secretary Jerry. Sabi ko sa kanya: O, sa susunod naman, dalhin mo kami doon sa mga — may naitayo na. Kasi baka sasabihin nila panay ribbon cutting natin, tapos wala ng nangyari. So sabi ko, that’s the next part. Pagka nagsimula ng umaakyat, iinspeksyunin natin para makita naman na talagang gumagalaw,” pahayag ng Pangulo.
Aniya marami ang nagpapa-miyembro ngayon sa Pag-ibig Fund kung kaya marami ang nagkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng sariling bahay.
“All of these things are indicative na patuloy talaga ang pag-supply ng bahay at talagang may market. Tama nga na tinugunan natin itong problemang housing na ito,” pahayag ng Pangulo.
Target kasi ng Pangulo na matugunan ang 6.5 milyong backlog na pabahay bago matapos ang kanyang termino sa taong 2028.
Kumpiyansa ang Pangulo na kakayanin ni Acuzar na kumpletuhin ang 6.5 milyong pabahay sa loob ng anim na taon.
Sinabi naman ni Acuzar na asahang matatapos na sa susunod na taon ang isang milyong pabahay.